Sila yung kaka-iba, kasi sila yung normal.
Simula't sapul, hangang-hanga na ako kay Batman at Iron Man. Sa kani-kanilang mga grupo, sila lang ang hindi taga-ibang planeta. Sila lang ang hindi nakagat ng insekto. Sila lang ang hindi nag-iiba ang anyo dahil sa kahit anong kemikal. Sila lang ang walang kapangyarihan. Sila lang ang mga ordinaryong tao na purong katalinuhan lang ang ginagamit para puksain ang kasamaan. Sila yun. Sila na!
Nasa magkaibang kalawakan man ng comics (taga-DC Universe si Batman habang nakatira naman si Iron Man sa Marvel Universe) ang dalawa, mayroon din silang mga pagkakapareho. Animo'y sila ang mga alter ego ng isa't isa. Pareho silang ulila. Pareho silang mayaman. Pareho silang mahilig sa babae.
Sa isang banda, sa mga katauhan nila, iisipin mo na pwede ka nga naman pala maging bayani o superhero kahit hindi perpekto ang kalagayan mo sa buhay. Kahit wala ka ng magulang, kahit marami kang problema. Basta't matalino ka, at may determinasyon, pwede kang makatulong sa iba.
Ngunit sa talino nga lamang ba nagula ang kanilang kapangyarihan? At sabihin man nating oo, maari ka pa nga kayang maging Bruce Wayne o Tony Stark sa makabagong panahon?
Talino nga naman ang dahilan kung bakit nakakapag-imbento sila nga mga armas. Ngunit para magkaroon ng talino, kelangan mo ng edukasyon. At sa panahon ngayon, hindi na ito libre.
Mabuti na lamang at may mga dambuhalang mga kumpanyang naipamana ang mga magulang ni Tony at Bruce. Ito ang mga kumpanyang tumutustos sa pagpapagamot nila sa kanilang mga nabaling buto, nagalos na mga braso at makabili ng hi-tech na mga kotse, at makaimbento ng mga kagamitan. At sapagkat hindi na nga libre ang edukasyon, ito rin ang naging tulay para sila maging makapangyarihan.
Ang komersyalisasyon ng edukasyon, patuloy na pagtaas ng matrikula, pagsasapribado ng mga SUCs, at ang patuloy nag pagkaltas sa badyet ng edukasyon ay unti-unting humahadlang sa posibilidad na maging kasing talino natin si Batman at Iron Man. Hindi din naman natin sila kasing yaman. Sa patuloy na pagwawalang bahala ng pamahalaan sa edukasyon, ang buhay ni Bruce at Tony sa makabagong panahon para sa mga ordinaryong tao ay mananatili na lamang na nasa komiks -- mga kathang isip.
Kung iisiping mabuti, ang edukasyon ang "great equalizer" ng mundo. Hindi nababatay sa lahi, sa kulay, sa tangos ng ilong, o sa yaman, ang karunungan. Ngunit tila ang mga mayayaman na lamang ang nakikinabang sa kapangyarihang hatid ng edukasyon. Mula sa pagiging "equalizer", ang edukasyon kapag nilagyan ng presyo at ginawang eksklusibo lamang sa may mga pera, ay nagiging sandata pa upang mapanatili ang status quo.
Oo. Marahil hindi naman talaga natin kelangan ng edukasyon hatid ng pera para maging mga bayani. Kaya din naman nating tumulong sa sarili nating mga paraan. Pero ang nakakalimutan natin, ang edukasyon ay karapatan. Karapatang hindi natin natatamasa dahil lang hindi tayo ipinanganak na mayaman. Karapatang ipinaglaban ng ating mga bayani upang ating matamasa. Wala sa atin ang karapatang balewalain lamang ito at sayangin ang mga nabuwis na dugo at paghihirap ng ating mga ninuno.
Oo. Marahil hindi naman talaga natin kelangan ng edukasyon hatid ng pera para maging mga bayani. Kaya din naman nating tumulong sa sarili nating mga paraan. Pero ang nakakalimutan natin, ang edukasyon ay karapatan. Karapatang hindi natin natatamasa dahil lang hindi tayo ipinanganak na mayaman. Karapatang ipinaglaban ng ating mga bayani upang ating matamasa. Wala sa atin ang karapatang balewalain lamang ito at sayangin ang mga nabuwis na dugo at paghihirap ng ating mga ninuno.
Ang hirap ano? Bahala na si Batman.
Ngunit, sa pagkakataong ito, hindi na kaya ni Batman mag-isa. Kahit samahan pa siya ni Iron Man, o ng buong Avengers, o ng buong Justice League. Ang pinaka-unang hakbang ay ang pagkilala ng bawat isa na ang edukasyon ay karapatan, na hindi ito produktong dapat bilihin, na hindi ito dapat nababatay sa kakayahang magbayad. Nasa balikat ng bawat isa ang laban na ito. Hindi kailangan ng mundo ang superheroes kung ang bawat isa ay ipaglalaban ang sariling karapatan at ng kapwa.
###
When two ordinary men become superheroes, its a testament that money is the greatest source of power. Just ask Tony Stark and Bruce Wayne.
When two ordinary men become superheroes, its a testament that money is the greatest source of power. Just ask Tony Stark and Bruce Wayne.